DAGUPAN CITY- ‎Nagpatupad ng mahigpit na paalala ang Public Order and Safety Office o POSO ng bayan ng Mangaldan sa mga tricycle driver na wala pang kaukulang permit.

Lalo’t papalapit na ang pasukan, binibigyan ng palugit ang mga kolorum na tsuper upang maisaayos ang kanilang mga dokumento bago sila muling bumiyahe sa kalsada.

Ayon kay Gerardo Ydia, hepe ng POSO, hindi palalampasin ng kanilang tanggapan ang mga lalabag sa itinakdang patakaran.

Kapag dumating ang pasukan at nahuling namamasada pa rin nang walang rehistro, asahan ang ipapataw na multa at posibleng iba pang parusa.

Bilang bahagi ng paghahanda, pinalalakas na rin ang pagbabantay sa mga lansangan sa tulong ng mga presidente ng Tricycle Operators and Drivers Association o TODA sa buong bayan.

--Ads--

Layunin ng karagdagang pwersa na mas mabilis na matukoy ang mga kolorum na patuloy sa pamamasada.

Kaya’t panawagan ni Ydia sa mga driver, simulan na ang pag-aayos ng mga kailangang dokumento gaya ng medical certificate at sedula upang makapagparehistro sa kanilang tanggapan at legal na makabiyahe.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng lokal na pamahalaan para sa patas, ligtas, at organisadong sistema ng pamamasada sa Mangaldan.