DAGUPAN CITY- Patuloy ang pagdami ng mga tricycle driver sa bayan ng Mangaldan na namamasada kahit wala pang lisensya.

‎Ayon kay Gerardo Ydia, hepe ng Poso Mangaldan, hindi nila pinapayagan ang sinumang magparehistro kung hindi pa nakakakuha ng driver’s license.

Ayon sa opisyal, kailangang dumaan muna sa tamang proseso ang mga nais pumasada, para matiyak ang kaligtasan ng publiko at kaayusan sa lansangan.

--Ads--

‎Dagdag pa rito, binibigyang-diin ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng pagsunod sa batas trapiko bago bigyan ng pahintulot na pumarada sa mga terminal at magsakay ng pasahero.

‎‎Gayunpaman, naiintindihan din ng mga otoridad ang kalagayan ng ilang drayber na inuuna ang gastusin sa araw-araw.

Dahil dito, binibigyan sila ng sapat na panahon upang makumpleto ang mga dokumentong kailangan sa legal na pamamasada.

‎Sa kabila nito, nananawagan ang Poso sa lahat ng tricycle driver na unahing ayusin ang kanilang lisensya bilang bahagi ng responsableng pagmamaneho at para sa kapakanan ng kanilang mga pasahero.