DAGUPAN CITY- Umaasa ang Public Order and Safety Office (POSO) ng Dagupan City na madaragdagan ang bilang ng kanilang mga kasamahan ngayong taon upang mas maging epektibo ang kanilang 24-oras na operasyon sa mga kakalsadahan sa lungsod.
Ayon kay POSO Chief Arvin Decano, malaking hamon ang kakulangan ng personnel, lalo na sa panggabing shift.
Dahil dito, nahihirapan silang rumesponde sa mga insidente sa iba’t ibang bahagi ng Dagupan.
Para masolusyunan ito, nagtalaga sila ng 4 na tauhan sa bawat kanto upang mas maharang ang mga lumalabag sa batas.
Humiling din sila ng tulong sa PNP para magkaroon ng mga pulis na kasama sa kanilang mga operasyon.
Sa kasalukuyan, mayroon lamang kabuuang 116 na tauhan ang POSO Dagupan kaya umaasa itong madagdagan pa upang mapalakas ang kanilang pwersa lalo na sa panggabi.
Sa kabila nito, tiniyak parin niya na patuloy nilang pagsisikapan na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga kakalsadahan sa lungsod.










