Dagupan City – Isang malaking hamon ang matinding init ng panahon sa maraming Pilipino, lalo na sa mga nagtatrabaho sa ilalim ng tirik na araw.
Kabilang dito ang mga tauhan ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Dagupan City, na madalas nakatalaga sa mga kalsada, lalo na sa oras ng mabigat na trapiko.
Kamakailan lamang ay umabot sa 41 hanggang 42 degrees Celsius ang heat index sa lungsod kung saan isa sa mga lugar sa bansa na may naitatalang matataas na temperatura.
Dahil dito, kanya-kanyang paraan ang ginagawa ng mga tauhan ng POSO upang maprotektahan ang kanilang kalusugan.
Ayon kay Rexon De Vera, OIC ng nasabing opisina, pinag-iingat nila ang kanilang 90 tauhan laban sa heat stroke at iba pang sakit na dulot ng init.
Aniya na palagi nilang iniuutos ang pagdadala ng tumbler na may lamang tubig at pag-iwas sa matagal na pagbababad sa araw.
Saad nito na mayroon silang nakatalagang mga shifting schedule kung saan ang ilan ay nagtatrabaho mula alas-6 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, habang ang iba naman ay mula alas-10 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Sa pinakamainit na oras, alas-12 hanggang ala-1 ng hapon, pinapayuhan ang mga tauhan na magpalitan sa pagmamando ng trapiko, lalo na kung hindi gaanong mabigat ang daloy nito dahil may dalawa naman na tao sa bawat pwesto.
Saad pa ni Devera na karaniwang nararanasan ang mabigat na trapiko sa Burgos St. at Burgos Extension sa Barangay Tapuac dahil sa maraming paaralan sa lugar na ito kaya marami ding estudyante ang lumalabas tuwing tanghali.
Samantala, wala pa naman aniya sa kanilang tauhan ang napapahamak sa epekto ng mainit na panahon ngayon dahil sinasabihan naman sila na kapag may nararamdaman na hindi maganda ay maari silang pumunta sa Cith Health Office at kapag may mataas na Blood Pressure ang kanilang kasamahan ay pansamantala muna nilang pinagpapahinga sa kanilang opisina.