DAGUPAN CITY- Pinaigting ng Public Order and Safety Office-Dagupan City ang kampanya kontra kolorum kung saan mahigit 40 tricycle na ang nahuli ngayong Enero 2026.

Ayon kay POSO Chief Arvin Decano, noong unang araw ay nakapaghuli sila ng 9 at sinundan ng 14 hanggang sa umabot sa mahigit 40 na pumapasadang walang prangkisa sa ibat-ibang lugar sa lungsod.

Dahil dito, nagbabala si Decano sa mga tricycle driver mula naman sa Binmaley, Calasiao, at Mangaldan na ang mga may prangkisa lamang mula sa Dagupan ang pinapayagang magpasada sa lungsod dahil may kaukulang multa na P5,000 ang mga mahuhuli.

--Ads--

Sa kasalukuyan nananatiling nasa impoundment ang ilang tricycle na hindi pa nakukuha ng mga may-ari dahil sa mahal na multa.

Kaya nanawagan ito sa mga taong gumagamit parin ng kolorum na tricyle na huwag nang ipilit ang pagpasada sa Dagupan kung wala silang prangkisa.

Hinimok niya silang maghanap na lamang ng ibang pagkakakitaan upang hindi mahuli at magmulta.

Dagdag pa niya, mas istrikto na sila ngayon laban sa kolorum upang protektahan ang mga may legal na prangkisang namamasada sa lungsod.

Sa kabilang banda, patuloy rin ang pagpapatupad ng “no parking” ordinance, at tinitikitan ang mga lumalabag kung saan noong buwan ng Disyembre ay nasa 20 to 30 bawat araw ang natiticketan na pawang mga bisita sa lungsod dahil hindi pa nila alam ang tamang paradahan.