DAGUPAN CITY- Sensitibo man pag-usapan ang masturbation subalit, napakahalaga itong pag-usapan para mabigyan linaw ang positibo at negatibong epekto nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Glenn Soriano, US Doctor at Natural Medicine Advocate, ang pagkakaroon ng regular, malusog, at balanseng pagbabate o masturbation ay nakatutulong para sa magandang pangangatawan ng isang tao.
Aniya, isa sa mga magandang epekto nito ay ang paglalabas ng katawan ng endorphin para magkaroon ng magandang ‘mood’ ng isang tao.
Nakakatulong ito para makontrol o mabawasan ang stress at pag-aalala ng isang tao.
Napapabuti rin nito ang pagtulog ng indibidwal.
Maliban pa riyan, ang masturbation ay isa sa pamamaraan upang mabawasan o maiwasan ang ‘unexpected pregnancy.’
Gayunpaman, may mga pagkakataon na napapasobra ang isang indibidwal at nauuwi sa ‘excessive masturbation.’
Ito ay makakaapekto na sa social life ng isang tao kung saan hindi na nito nagiging priyoridad ang mga mahahalaga o kinakailangang unahin.
Nagdudulot din ito ng pisikal na epekto sa pangangatawan katulad na lamang ng erectile dysfunction at ang hindi malusog na sperm cells.
Bukod pa riyan, nakakaapekto rin ito sa relasyon ng mga malalapit na tao.
Ayon kay Dr. Soriano, upang maiwasan ang adiksyon sa pagbabate, mahalagang magkaroon ng pamamahala sa oras upang maiwasan ang palagiang pagsasagawa nito.
Maaaring ibaling ang atensyon o pokus sa ibang aktibidad upang mabawasan ang oras sa pagmasturbate.
Mahalagang makipag-bonding sa pamilya upang mas mapagtibay ang pundasyon ng relasyon at may katuwang na malabanan ang adiksyon.
Sumailalim naman sa rehabilitasyon kung kinakailangan.