Mahigpit na binabantayan sa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang posibleng pagtaas ng kaso ng dengue sa lungsod.

Kaugnay nito ay pinag-utos ni Mayor Brian Lim ang mas pinalawig na anti-dengue campaign sa pamamagitan ng pagsasagawa ng misting operations, larvicidal applications, environmental modification at health promotion sa 31 barangay ng siyudad upang maiwasan ang pagtaas ng kaso ng naturang sakit.

Batay sa datos ng City Epidemiology Surveillance Unit , nakapagtala na ng 87 na kaso ng dengue mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon at 3 karagdagang kaso ngayong Hulyo.

--Ads--

Noong nakaraang taon naman ay nakapagtala ng 74 na kaso mula Enero hanggang Hunyo at 57 naman ang naitala sa buwan ng Hulyo ng nakaraang taon.

Mula Hulyo hanggang sa Disyembre noong nakaraang taon, mayroong dumagdag na 295 na kaso sa 74 kasong una nang naitala.

Kayat katulad noong nakaraang taon inaasahang tataas pa ang bilang ng mga kaso ng dengue sa huling anim na buwan ng taong ito dahil sa pagpasok ng tag-ulan.

Tuwing tag-ulan tumataas ang kaso ng dengue dahil sa tubig-ulan na naiipon sa mga bukas na container na nagiging pangitlugan ng mga lamok.

Kaugnay nito ay hinihikayat ni Dr. Lydwina Bernardo ang focal person ng City Epidemiology Surveillance Unit ang mga residente ng Dagupan na makiisa sa mga programa ng siyudad upang maiwasan ang dengue at mapanatiling zero ang death rate ng dengue sa lungsod.