Dagupan City – Posibleng magkaroon ng malaking epekto sa takbo ng impeachment trial ang magiging testimonya ni Col. Raymund Dante Lachica sakaling ituring siyang hostile witness ng prosecution.
Ayon sa mga pagsusuri, maaaring mauwi sa dalawang direksyon ang pagharap ni Lachica bilang hostile witness.
Sa naging panayam kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutionalist at political analyst, una na nga rito ay ang maaaring lumabas sa kaniyang testimonya ang mga impormasyon na mag-uugnay kay Vice President Sara Duterte sa mga alegasyon kaugnay ng confidential funds.
O ikalawa, maaari namang hindi direktang maitulak kay Vice President Duterte ang mga isyu at sa halip ay malihis ang pagtutok sa iba pang personalidad o usapin.
Dahil dito, sinabi ni Cera tila nagiging maingat ang prosecution sa desisyong gawing hostile witness si Lachica, dahil maaari itong magbukas ng mga bagong usapin na maaaring makaapekto sa direksyon ng kanilang kaso.
Mahalaga rin aniyang mapanatili ang pagiging patas ng paglilitis at maiwasan ang anumang maaaring makaimpluwensiya sa magiging desisyon ng mga hukom.
Kaugnay nito ipinaliwanag din ni Cera ang naging ruling ni Presiding Officer at Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng online post ni Atty. Virgil Ligutan noong Agosto 12, 2026.
Kung saan ay tinatalakay sa naturang post ang umano’y paggamit ng misleading questions sa cross-examination ng mga testigo.
Paliwanag ni Cera, maaaring magkaroon ng limitasyon sa mga pahayag na inilalabas ng mga sangkot sa paglilitis upang maprotektahan ang integridad ng proseso.
Maaari pa rin namang magsalita ang mga spokesman, basta’t hindi nakaaapekto sa mismong paglilitis.
Samantala, napag-usapan din ang alegasyon kaugnay ng isang splice video na kinasangkutan ni Senator Pia Cayetano, gayundin ang ilang livestream sa social media na maaaring masuri bilang paglabag sa mga panuntunan ng paglilitis.
Binalikan din ni Cera ang naging paninindigan noon ni dating Senator Miriam Defensor Santiago na hindi dapat inilalabas o tinatalakay sa publiko ang merito ng isang kasong kasalukuyang nililitis.
Nilinaw rin na ang pagtatanong sa mga testigo ay dapat nakatuon sa paglilinaw at dapat may kaugnayan sa mga isyung pinag-uusapan sa kaso.










