Dagupan City – Maaaring magkaroon ng seryosong epekto sa depensa ni Vice President Sara Duterte sakaling baligtarin ni dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer Gina Acosta ang kanyang mga naunang pahayag sa cross-examination.

Ito ang pananaw ni constitutionalist at Ateneo Policy Center senior research fellow Atty. Michael Henry Yusingco, kasunod ng pagharap ni Acosta bilang unang hostile witness ng House prosecution sa impeachment trial ni Duterte.

Mahalagang linawin na hindi bumawi si Acosta sa kanyang testimonya. Sa halip, idineklara siyang hostile witness ng Senate impeachment court dahil sa kanyang counter-affidavit sa Ombudsman at sa kanyang kasalukuyang employment relationship sa OVP.

--Ads--

Sa kanyang testimonya sa impeachment trial, sinabi ni Acosta na si Duterte mismo ang nag-utos sa kanya na ilabas ang ₱125 milyon na confidential funds at ibigay ito kay Col. Raymund Dante Lachica noong Disyembre 2022.

Ayon kay Yusingco, mahalaga rin ang mga naunang naging pahayag ng mga auditor kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Aniya, kung sakaling sabihin ni Acosta sa cross-examination na babawiin o babaguhin niya ang kanyang testimonya, maaaring mas mahirapan ang prosecution o depensa—depende sa magiging direksiyon ng kanyang mga sagot—sa paglalatag at pagtimbang ng mga ebidensiya.

Ipinaalala rin ni Yusingco ang prinsipyo ng accountability sa ilalim ng Konstitusyon, kung saan ang mga ahensya ng pamahalaan ay may pananagutan sa paggamit ng pampublikong pondo.

Aniya, mahalagang tingnan ang mga isyung may kaugnayan sa confidential funds ng OVP, gayundin ang paggamit ng confidential funds noong si Duterte ay kalihim pa ng Department of Education (DepEd).