DAGUPAN CITY- Naghahanda na ang mga shed owner at mangingisda sa bayan ng Binmaley sa posibleng epekto ng Bagyong “Uwan.”
Isa ang Pangasinan sa mga lalawigang inaasahang maaapektuhan ng bagyo, na posibleng magtaas ng wind signal.
Dahil dito, inaasahan ang malakas na epekto sa mga bayang malapit sa dagat dahil sa posibilidad ng storm surge.
Ayon kay Dario Bautista, presidente ng Binmaley Shed Owners Association, nakatali na ang bubong ng kanyang cottage bilang paghahanda sa malakas na hangin.
Inayos na rin niya ang mga gamit sa loob upang maiwasan ang pagkabasa.
Bukod sa kanya, pati ang ilang shed owners ay nakaayos na ang pabigat at nakatali na din ang kani-kanilang bubong.
Sa kabila ng magandang panahon kanina, nananatili siyang alerto sa posibleng paglakas ng ulan at hangin kaya binabantayan niya ang lagay ng panahon sa mga susunod na oras.
Aniya, 40 sa 53 miyembro ng kanilang grupo ang may nakatayong cottage kaya tinitignan nila itong mabuti para hindi masira kapag nanalasa na ang bagyo.
Saad pa nito na, kakaunti rin ang nagrerenta ng cottage dahil sa banta ng bagyo.
Inaasahan na hanggang bukas ay mangilan-ngilan na lamang ang bibisita sa lugar dahil sa sama ng panahon.
Samantala, inaayos na rin ng mga mangingisda ang kanilang mga bangka upang hindi tangayin ng alon kung saan inilalagay na nila ang mga ito malapit sa kalsada.
Ayon kay Ray Jugo, isa sa mga mangingisda, may mga nakapalaot pa noong biyernes at kahapon ng umaga ngunit pagsapit ng hapon ay hindi na sila pumalaot dahil sa banta ng malakas na alon.
Puspusan ang kanilang paghahanda dahil sa inaasahang lakas ng bagyo.
Kailangan nilang suriin ang kanilang mga bangka upang maiwasan ang anumang pagkasira.










