DAGUPAN CITY – Mabigat at mas malaki sa inaasahan.
Ito ang reaksyon ng grupong AutoPro Pangasinan hinggil sa nakaambang pagtaas ng presyo ng gasolina na aabot ng hanggang 5 piso.
Ayon kay Bernard Tuliao, Presidente ng naturang samahan, tila nabawi lamang ang nangyaring rollback noong mga nakaraang linggo.
Aniya, bagaman hindi sila umaasa na magiging tuloy-tuloy ang pagtaas ng mga produktong petrolyo, ngunit nakakabigla umano ang biglang bulusok muli ng singil nito sa susunod na linggo.
Sa kanilang pagtataya kasi, maaring ang 1 piso hanggang 2 piso lamang ang iaakyat nito ngunit mas malaki pa ito sa inaasahan.
Kaya naman ang tanging magagawa nila umano ngayon ay makita ang mas magandang pasada sa pagtutuloy-tuloy ng face to face classes at wala na ring malakas na bagyo ang tatama sa lalawigan sa mga susunod na buwan upang maging maganda pa rin ang kanilang kita sa araw-araw.
Samantala, mananatili pa rin umano sa 11 pesos ang standard fare sa lungsod ng Dagupan sa ngayon.