Dagupan City – Inihayag ng pamunuan ng Barangay Bonuan Binloc na hindi pa umabot sa 10% ang bilang ng mga nasesegregate o nakakasunod sa tamang pagtatapon ng basura sa kanilang barangay.

Ayon kay Kap. Wilmer Castañares ng nasabing barangay na problema parin nila ang basura lalo na’t bumisita kamakailan si Mayor Belen Fernandez sa kanilang Materials Recovery Facility (MRF) kung saan nakitang parang dumpsite na ito sa dami ng basura.

Kaya, pinag-iigihan ngayon ng kanilang barangay sa tulong ng mga segragators ang paglilinis at pagsasaayos nito katuwang ang lokal na pamahalaan ng Dagupan.

--Ads--

Aniya na mula noong maupo ito bilang pinuno ng barangay noong Disyembre 2023, agad niyang nakita ang kalubhaan ng problema sa basura.

Saad niya na ang MRF ay dating napuno ng basura hanggang sa umabot ng 150 hanggang 200 metro ang haba ng tambak, at hindi pa nga mabuksan ang pintuan nito dahil sa dami ng mga kalat.

Sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Dagupan, nai-pull-out na ang ibang mga nakatambak na basura at nagsimula silang ayusin ang loob ng MRF.

Isinasagawa na rin ang mga kampanya para sa tamang paghihiwalay ng basura sa bawat tahanan kung saan gumawa pa sila ng kanta na ginagamit tuwing lingguhang pag-iikot sa mga sitio, at binibigyan din ng mga pamphlet ang mga residente para mas maunawaan ang proseso ng segregation.

Kaugnay nito, Dati, maraming residente ang nagsusunog o naghuhukay ng kanilang basura kahit hindi pa ito nabubulok.

Ngayon, pinapayuhan sila na ipa-pick-up na lamang ito sa barangay, na nagkukolekta ng basura dalawang beses sa isang linggo gamit ang mga dump truck ng lungsod.

Naglabas na rin sila ng barangay ordinance ukol sa tamang pagtatapon ng basura na inadopt sa City Ordinance, na may kasamang multang 300 hanggang P1,000 para sa mga hindi sumusunod.

Sinimulan na rin nilang ipatupad ito, at binibigyang-diin na kahit ang mga empleyado ng barangay at kanilang mga pamilya ay kailangang sumunod sa tamang segregation kung hindi maayos ang paghihiwalay ng basura sa kanilang tahanan, hindi ito kukunin ng mga kolektor.

Patuloy pa rin silang nagkakaroon ng mga kampanya para mapataas ang porsyento ng mga sumusunod sa tamang paghihiwalay ng basura, na hangad nilang maabot kahit 50% muna.

Hinihikayat ni Kap. Castañares ang lahat ng residente na tumulong sa paghihiwalay ng mga plastik, nabubulok na bagay, karton, at mga recyclable na materyales – para hindi lamang maayos ang kapaligiran kundi maging malusog ang mga tao sa kanyang nasasakupan.