Nakapagtala na ngayong nasa kalagitnaan ng taon ang Provincial Veterinary Office sa lalawigan ng Pangasinan ng 32.24 % ng vaccination sa anti-rabies sa buong probinsya.
Ayon kay Dr. Arcely Robeniol ang Chief ng nasabing opisina na tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang pagbabakuna sa lalawigan upang mapataas pa ang bilang ng mga nabibigyan ng bakuna para maiwasan ang pagtaas ng kaso ng rabies.
Aniya na ang datos na ito ay mula enero hanggang hunyo pa lamang kung saan umabot na sa 104, 374 ang mga nabakunahang aso at pusa mula sa kabuuang 323,665 na kabuuang papolasyon.
Saad pa nito na may nakumpirma na ang kanilang opisina na 17 nagpositibong alagang hayop sa sakit na rabies batay sa kanilang ginawang test sa laboratoryo sa bayan ng Santa Barbara gamit ang sample na ulo ng namatay na hayop.
Nagkaroon aniya ng pagbaba ng kaso ng mga positibong hayop sa lalawigan sa kabuuang 55 noong 2024 dahil sa kanilang pagpapaigting ng Rabies Control Program at information dissemination drive.
Napapansin naman aniya nila ang mataas na ang kamalayan ng bawat pet owners sa pagpapabakuna ng kanilang alaga kung saan halos bawat araw ay maraming mga nagpupunta sa provincial veterinary office para sa nasabing gawain.
Kaugnay nito, kompleto at sapat naman aniya ang mga bakuna na mayroon ang kanilang opisina na nagagamit sa bawat munisipyo para mapalawak pa ang vaccination program.
Buo naman ang suporta ng probinsya sa kanilang mga ginagawang hakbang at tulong mula sa munisipyo para mas malabanan pa ang nasabing sakit na matagal nang kinakaharap ng bansa.
Inaasahan na sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na programa at aksyon na ito ay makakamit ang pagiging rabies free sa lalawigan.
Samantala, batay sa tala ng PHO nasa 3 kaso na ang mga indibidwal na nasawi dito sa lalawigan dahil sa sakit na rabies na mula sa sa Dagupan City Binalonan at Tayug kung saan halos lahat ay kagat ng aso.