DAGUPAN CITY- Bagaman inilabas na sa publiko ang pagdinig ng Bicameral hinggil 2026 General Appropriations Act (GAA) subalit, nakikitaan pa rin umano ito ng porma ng Pork Barrel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eco Dangla, Bagong Alyansang Makabayan Central Luzon, hindi pa rin nakamit ang transparency at napuno pa rin ito ng di umano’y kahina-hinalang pagtaas sa ilang budget.
Halimbawa na lamang aniya ang higit dobleng pagtaas sa budget ng farm-to-market roads at ang ‘Patronage Politics’ sa Assistance Individual Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Aniya, hindi pa rin nalalayo ang 2026 budget sa 2025 budget na itinuring na pinakakurap, bagkus, tila inilipat lamang sa ibang proyekto ang pangungutakot na dating nasa infrastructure projects.
Binigyan halaga naman ni Dangla ang papel ng publiko upang mabantayan ang pera ng bayan at mapanagot ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Naniniwala siya sa mga ito dahil kabilang sa naging bunga ng ginawang ingay ng taumbayan ay ang pag-livestreeam sa 2026 budget hearing ng Bicam.










