DAGUPAN CITY- Patuloy pa rin umanong umiiral at lalong naging masahol ang pork barrel sa bansa dahil sa issue ng ghost flood control projects at dapat na itong mawakasan.

Ikinagagalit ni Raymond De Vera Palatino, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ang paglobo sa P1-trillion na pondo na nasasangkot sa maanumalyang transaksyon ng maraming ahensya ng gobyerno.

Kaya kaniyang panawagan ang independent investigation sa ghost projects upang mapanagot ang lahat ng mga mapapatunayang sangkot.

--Ads--

Giit niya na ang pinakamatibay na ‘whistle-blower’ sa issue na ito ay ang mamamayang Pilipino na apektado ng mga maanumalyang proyekto.

Dapat din aniya magkaisa ang mga ng stakeholders at hindi lamang iasa sa mekanismo ng kongreso ang isinasagawang imbestigasyon dahil nasa mababang lebel na ang tiwala na makakamit ang tamang pananagutan.

Panawagan din niya na magkaisang hanapin ng bawat isa ang mga flood control projects, alamin ang estado ng mga pagkakagawa, at suriin ang pagkakagastos ng budget.

Binigyan halaga niya ang papel ng publiko at media upang maipakita ang kurapsyon sa mga proyektong substandard at ang pagbalandra ng yaman ng mga opisyal na labag sa sinumpaang code of conduct.

Habang sa bahagi ng gobyerno ay panawagan niyang tuluyan nang wakasan ang lahat ng porma ng pork barrel, kabilang na ang pag-alis at pagsilip sa confidential funds.

Saad pa niya na bantayan ng gobyerno ang ‘lifestyle’ ng mga opisyal at unahin na rito ang first family o ang pamilya ng pangulo at suriin kung naaayon ba ang kanilang yaman sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth in the Philippines (SALN) nito.

Samantala, ikinababahala ni Palatino na maaaring ang mapanagot lamang sa likod ng maanumalyang flood control projects ay ang maliliit na opisyal.