Nananatili umano ang pork barrel ng mga mambabatas sa kabila ng pag-apruba ng Bicameral Conference Committee sa ₱529.6 bilyong panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2026.
Ayon kay Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, bagama’t may mga ulat na binawasan ang pondo para sa flood control projects, hindi naman aniya tunay na nabawasan ang pork barrel ng mga mambabatas.
Sa halip, iginiit niya na “iniba lamang ang hugis” nito at inilagay sa iba’t ibang anyo ng proyekto sa mga distrito ng mga mambabatas.
Tinukoy din ni Africa na kapos pa ang naging resulta ng bicameral deliberations, lalo na sa usapin ng transparency at pananagutan.
Aniya, hindi malinaw na inilantad sa publiko kung paano gagamitin ang pondo para sa flood control, isang isyung kritikal lalo na sa patuloy na nararanasang pagbaha sa maraming lugar sa bansa.
Gayunpaman, iginiit ni Africa na hindi pa huli ang lahat.
Umaasa umano sila na kikilatisin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang badyet at posibleng i-veto ang mga probisyong may kaugnayan sa pork barrel ng mga mambabatas.
Dagdag pa niya, kung mananatili ang pork barrel sa mga proyekto tulad ng kalsada, mananatili rin ang problema ng katiwalian kung walang malinaw na transparency.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng bukas at malinaw na talakayan sa badyet, kabilang ang pagla-livestream ng mga usapan at patuloy na pagbibigay ng impormasyon sa publiko.
Hinikayat niya ang mamamayan na huwag tumigil sa pagbabantay at patuloy na igiit ang pananagutan ng pamahalaan.










