Dagupan City – Inihayag ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Pangasinan Provincial Office na tumaas ang populasyon ng mga katutubo sa Pangasinan ngayong taon.
Ayon kay Dr. Enrique Delos Santos, Jr., Provincial Officer ng NCIP-Pangasinan, umabot na sa mahigit 26,000 ang bilang ng mga katutubo na nakakalat sa 15 munisipalidad sa apat na distrito ng lalawigan gaya sa (District 1, 2, 5, at 6) na mula sa western at eastern part.
Kumpara sa humigit kumulang 20,000 noong nakaraang taon, mayroong halos 6,000 na dumagdag sa bilang.
Ipinaliwanag ni Dr. Delos Santos na ang pagtaas na ito ay dahil sa pagiging bukas ng isipan ng ilang grupo ng katutubo sa pagbuo ng kanilang sariling mga organisasyon.
Sa kasalukuyan, mayroong 60 Indigenous Peoples’ Organizations (IPOs) sa probinsya. Saad pa nito na ang mga pangunahing grupo ng katutubo sa Pangasinan ay kinabibilangan ng mga Bago, Kankana-ey, Ibaloy, Iwak, Calanguya, at iba pa.
Binigyang-diin din nito ang mga natatanging kultura at tradisyon ng mga katutubo, tulad ng kanilang mga ritwal na sayaw, pananalita, at paraan ng pagresolba ng mga alitan sa komunidad—na hindi na umaabot sa korte.
Samantala, bukod sa pangangalaga sa mga kultura at tradisyon ay mayroon na ding mga katutubo na nasa public service, bilang mga opisyal ng gobyerno na siyang nagsisilbing boses ng kanilang sektor kung saan nasa 24 na ang kanilang bilang dahil 2 dito ay nasa munisipyo habang 22 naman ay nasa barangay. (Oliver Dacumos)