Nanawagan si Pope Leo XIV sa mga lider ng mundo sa kanyang easter message nitong Linggo na wakasan na ang mga umiiral na digmaan sa iba’t ibang panig ng mundo at talikuran ang anumang hangarin para sa kapangyarihan, pananakop, at dominasyon.

Sa kanyang espesyal na mensahe sa libu-libong nagtipon sa St. Peter’s Square, ipinahayag ng Santo Papa ang kanyang pangamba na ang mga tao ay unti-unting nasasanay sa karahasan.

Mariin din niyang hinimok ang mga may hawak ng armas na itigil ang labanan at piliin ang kapayapaan.

--Ads--

Hindi binanggit ni Pope Leo ang anumang partikular na sigalot sa kanyang mensaheng “Urbi et Orbi” o “para sa lungsod at sa buong mundo,” na naging kapansin-pansing maikli ngunit tuwiran.

Ipinaliwanag din ng Santo Papa na ang kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay ay patunay na si Kristo ay ganap na mapayapa at hindi marahas.

Matatandaan, na sa mga nakalipas na linggo, naging mas matapang ang Santo Papa sa pagkondena sa mga marahas na sigalot sa mundo, kabilang ang kanyang matinding kritisismo sa digmaan na kinasasangkutan ng Iran.