Kinumpirma ni Ukraine President Volodymyr Zelensky na nagkausap sila ni Pope Leo XIV nitong Biyernes, Abril 3 kasabay ng panibagong serye ng pag-atake ng Russia sa kanilang bansa sa kabila pa ng panawagan para sa Easter Ceasefire.
Sa isang post sa X, sinabi ni Zelensky na habang nagaganap ang kanilang pag-uusap, muling binomba ng Russia ang Ukraine gamit ang daan-daang “shahed” drones at dose-dosenang missile na tumama sa iba’t ibang lungsod at komunidad.
Saad pa ni Zelensky, ang mga pag-atake ay tuluy-tuloy mula pa gabi ng Huwebes at umabot na sa hindi bababa sa limang rehiyon ang mga pag-atake. Wala umanong kahit isang oras na kapayapaan para sa kanilang mamamayan. Itinuturing ito bilang tugon ng Russia sa panukala ng Ukraine para sa isang Easter ceasefire, ngunit sa halip na tumigil, lalo pang tumindi ang opensiba.
Binigyang-diin din ng Ukraine President na hindi dapat ipagwalang-bahala ang ganitong sitwasyon, at nagpahayag ng pasasalamat sa mga bansang patuloy na nagsasalita at kumokondena sa karahasan.
Sa nasabing pag-uusap, tinalakay rin ang nagpapatuloy na negosasyon, kabilang ang pakikipagtulungan sa Estados Unidos.
Nagpasalamat din ang Ukraine sa tulong ng Vatican, lalo na sa pagbabalik ng mga batang dinukot at sa ibinigay na humanitarian aid, partikular noong nakaraang taglamig.
Napag-usapan din ang sitwasyon sa Gitnang Silangan at Gulf Region.
Sa pagtatapos ng kanilang pag-uusap, nagpaabot ng pagbati ang Ukrainian President sa Santo Papa at sa lahat ng magdiriwang ng Easter ngayong Linggo, kasabay ng panalangin para sa kapayapaan.
Nagpahayag din ng kahandaan ang Ukraine na tanggapin ang Santo Papa sakaling bumisita siya sa Ukraine.










