DAGUPAN CITY — “Wag na nilang lokohin ang taumbayan.”

Ito ang binigyang-diin ni Jerome Adonis, ang siyang naninilbihang Secretary General ng Kilusang Mayo Uno, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa pagkkunan ng pondo ng makontrobersyal na Maharlika Wealth Fund.

--Ads--

Aniya na kung nais naman talaga nilang ipagpauloy na pondohan ang Maharlika Wealth Fund ay mas mainam na kunin na lamang nila ang kakailanganing pera mula sa bilyun-bilyong confidential funds ng administrasyong Marcos at huwag na nilang idamay pa ang kaban ng taumbayan.

Saad ni Adonis na hindi na dapat pa galawin ng gobyerno ang pondo na nais nilang kunin mula sa Landbank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, at Bangko Sentral ng Pilipinas para sa Maharlika Wealth Fund na dapat ay ginagamit upang magbigay ng magandang serbisyo sa mamamayan at mapaunlad ang kalagayan ng bawat Pilipino.

Dagdag pa nito na kung ang nais naman nila ay magbigay ng serbisyo sa taumbayan sa pamamagitan ng investment fund ay mas mainam kung ilalaan na lamang nila ang bilyun-bilyong pondong gagamitin para rito sa mas produktibong proyekto gaya na lamang ng idustriya ng agrikultura nang sa gayon ay makabangon naman ang mga magsasaka at mangingisda at upang maitatag na rin ang food security sa bansa lalo na sa mga panahong pataas na ng pataas ang mga pangunahing bilihin at pangangailangan sa merkado.

Iginiit ni Adonis na mas mainam na ito ang gawin ng mga kinauukulan kaysa naman ilagay sa panganib ang pera ng taumbayan para sa isang investment fund na maaari lamang malugi sa hinaharap at kung nagkataon ay magdadala lamang ng mas malaki pang perwisyo sa kakarampot na serbisyong nakukuha ng sambayanang Pilipino mula sa gobyerno.

Maliban dito ay sinabi pa ni Adonis na marami ng bansa na sumubok na gawin ito na nauwi lamang naman sa pagkalugi at korapsyon at pinakinabangan lamang ng mga multi-billion corporation sa mundo.