Dagupan City – Nanindigan ang Political Analyst na hindi sapat ang isang araw para may mabago sa sistema ng katiwalian sa gobyerno.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst, sinabi nito na maaaring isipin ng mga nakaupong tiwaling opisyal na kapag nailabas na ng taumbayan ang kanilang galit sa isang rally ay tapos na ang kanilang laban.

Kung kaya’t malaki aniya ang tiyansa na mananatili pa rin ang ugat ng problema—ang mga opisyal na nagnanakaw sa kaban ng bayan.

--Ads--

Dito na binigyang diin ni Yusingco na kahit alam ng publiko ang katiwalian ng ilang opisyal aypatuloy pa rin silang binoboto sa halalan, kaya mahirap asahan ang pagbabago.

Binigyang-diin niya na walang pagbabagong mangyayari kung ang mga korap na nasa puwesto pa rin ang hahawak sa kapangyarihan.

Inihambing din niya ang mga kasalukuyang rally sa EDSA People Power, kung saan mas malakas ang suporta at may iisang layunin.

Sa kasalukuyan kasin ani Yusingco mas mahina ang bilang ng mga raliyista at nagkakaiba-iba pa ang kanilang mga adhikain, mula sa laban kontra korapsyon hanggang sa mga pro-Duterte, anti-Duterte, at Marcos supporters.

Dagdag pa ni Yusingco, may ilan din na gumagamit ng rally bilang pagkakataon para gumawa ng content sa social media o mag-viral, na nauwi sa ilang insidente ng krimen, nasirang mga establisyimento, at nasaktang mga inosenteng tao.