DAGUPAN CITY – Nanawagan ang isang political analyst na magbitiw na lamang sa puwesto si Senator Ronald “Bato” dela Rosa dahil kawawa ang taumbayan na nagbabayad ng buwis.

Ito ang tahasang pahayag ni Atty. Michael Henry Yusingco sa gitna ng usapin hinggil sa panukalang pagsuspinde o tuluyang pagtigil ng sweldo ng senador, na ayon sa Senado ay hindi na nagpapakita sa Mataas na Kapulungan mula pa noong Nobyembre 10, 2025.

Sa pahayag ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson, pinag-aaralan ng Senado ang mga posibleng hakbang kung paano haharapin ang sitwasyon ni Dela Rosa, kabilang na ang mungkahing suspindihin o ihinto ang kanyang sahod dahil sa patuloy na pagliban nito sa mga sesyon.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ipinaliwanag ni Yusingco na umaabot umano sa ₱580 milyon kada taon ang ginagastos ng gobyerno para sa isang senador.

Katumbas ito ng humigit-kumulang ₱48 milyon kada buwan o ₱1.6 milyon kada araw.

Giit pa ng political analyst, nararapat umanong mahiya si Dela Rosa dahil patuloy itong pinopondohan ng buwis ng mamamayan kahit hindi naman umano ginagampanan ang kanyang tungkulin.

Dagdag ni Yusingco, mas makabubuti pa umano kung magbitiw na lamang sa puwesto ang senador upang mailaan ang pondo ng bayan sa mas kapaki-pakinabang na mga programa at serbisyo.