Dagupan City – Nanawagan sa civil society ang political analyst na bantayan ang mga pangunahing institusyon ng pamahalaan tulad ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), Commission on Elections (COMELEC), at Office of the Ombudsman upang matiyak na nananatili ang kanilang kalayaan at integridad.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, ipinaliwanag nito na mahalaga ang papel ng AMLC sa pagbabantay sa mga financial channels kung saan maaaring dumaan ang perang ninakaw mula sa kaban ng bayan.
Dahil dito, iginiit niyang kailangang manatiling independent ang ahensya at hindi dapat maimpluwensiyahan ng sinumang pulitiko.
Ipinaliwanag din ni Yusingco na malinaw kasing nakasaad sa Anti-Money Laundering Act of 2001 na ang AMLC na dapat gumampan ng tungkulin nang walang panghihimasok.
Dito na binigyang diin ni Yusingco na ang sinumang magtatangkang impluwensiyahan ang operasyon nito ay maaaring lumabag sa nasabing batas.
Dagdag pa nito ang AMLC council ay binubuo ng mga opisyal na siyang may kapangyarihang magtalaga ng executive director na mamumuno sa secretariat ng ahensya.
Binigyang-diin niyang dapat maging bukas ang AMLC sa publiko at sa media upang maipakita na transparent ang kanilang mga gawain at walang itinatago.
Sa kabila ng pag-freeze ng assets ng ilang indibidwal na sangkot sa mga kaso, sinabi ni Yusingco na inaabangan pa rin ng publiko ang posibleng pag-freeze ng assets ng mga tinawag niyang “malalaking indibidwal” na maaaring may kinalaman sa mga anomalya.
Tungkol naman sa COMELEC, sinabi ni Yusingco na ito ay isang independent constitutional body na hindi dapat maimpluwensiyahan ng mga pulitiko o ng anumang relihiyon dahil ang mandato nito ay direktang nakasaad sa Konstitusyon.
Dahil dito, aniya, nakakaalarma ang mga pahayag tungkol sa posibleng legal complications kaugnay sa mga institusyong ito at hindi ito dapat balewalain.
Samantala, ipinaliwanag din ni Yusingco na maaaring magsampa ng ethics complaint ang sinumang mamamayan.
Gayunman, pagdating sa criminal case, kinakailangan itong ihain ng mga awtoridad tulad ng piskal o pulisya alinsunod sa umiiral na proseso ng batas.










