Dismayado ang isang political analyst sa pagkakatalaga kay Jesus Crispin Remulla bilang Ombudsman ng bansa.

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hindi dapat nauugnay sa pangulo ng bansa ang sinumang itatalaga bilang Ombudsman.

Aniya, masama ang nagiging karanasan ng bansa kapag ang Ombudsman ay may personal o pampulitikang koneksyon sa pangulong nagtalaga sa kanya.

--Ads--

Gayunman, umaasa si Yusingco na magagampanan pa rin ni Remulla nang tama, maayos, at may integridad ang kanyang tungkulin bilang tagapangalaga ng interes ng taumbayan nang walang kinikilingan at patas para sa lahat ng sektor ng lipunan.

Dismayado rin siya sa Judicial and Bar Council (JBC), na may mandato sanang pumili ng mga kuwalipikadong kandidato para sa naturang posisyon.

Bagamat kinilala ni Yusingco na kuwalipikado si Remulla dahil isa siyang abogado at may karanasan sa prosekusyon ng mga kaso, iginiit niyang hindi isinasaalang-alang ng JBC ang posibleng conflict of interest bunsod ng pagiging malapit ni Remulla kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Matatandaang si Remulla ay itinalaga bilang Ombudsman matapos siyang piliin ng Pangulo mula sa shortlist na isinumite ng Judicial and Bar Council.