Nagdisisyon ang Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na babaan ang key policy rates sa ikatlong sunod na pagpupulong kasunod ng pagbagal ng inflation sa wala pang isang porsiyento noong Hulyo.

Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., tinapyasan ng Monetary Board ang key policy rates ng 25 basis points, na nagdala sa target reverse repurchase rate sa 5.00%, sa overnight deposit rate sa 4.50%, at sa overnight lending facility rate sa 5.50%.

Ang policy rates ay binabaan din ng tig-25 basis points sa pagpupulong ng Monetary Board noong Abril at Hunyo.

--Ads--

Inaasahan ngayon ng central bank na mag-aaverage ang inflation ng 1.7% ngayong taon, bahagyang mas mataas sa 1.6% projection sa June meeting.

Ang inflation forecast para sa 2026 ay ibinaba sa 3.3% mula sa dating 3.4%, at sa 2027 ay itinaas sa 3.4% mula 3.2%.

Kabilang sa mga panganib na binanggit ni Remolona ay ang mas mataas na singil sa koryente at presyo ng pagkain, subalit sinabi niya na ang inflation ay inaasahang mananatili sa loob ng target kahit na mangyari ang mga ito.