DAGUPAN CITY- Naka-heightened alert status na ang Police Regional Office 1 (PRO1) para sa buong linggo ng Semana Santa.

Ayon kay PLtCol. Benigno C. Sumawang, Chief ng Regional Public Information Office ng PRO1, itinaas na nila ang alert status noong April 13 upang masigurong ligtas ang buong rehiyon kung saan magtatagal ito hanggang Abril 20.

Aniya na nakapag-deploy sila ng nasa 4,618 na pulis, na sinusuportahan ng 657 augmentation unit mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard, at iba pang ahensya.

--Ads--

Mayroon ding 1,783 na miyembro ng mga advocacy group na tutulong sa seguridad.

Nagsimula na rin ang monitoring ng PRO1 sa mga bus terminals at naglagay na sila ng police assistance desks sa halos 125 police stations at apat na provincial offices.

Pinaigting din nila ang pagbabantay sa mga dalampasigan dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga turista sa karagatan.

Samantala, Noong nakaraang taon, nakapagtala ng siyam na kaso ng pagkalunod sa rehiyon, dalawa sa Ilocos Sur at pito sa Pangasinan habang ngayong taon umabot na sa pito ang kaso ng pagkalunod mula April 1 , lima sa Pangasinan, isa sa Ilocos Sur, at isa sa La Union.