Nagsasagawa na ngayon ng follow up investigation ang kapulisan upang malaman ang totoong motibo ng pamamaslang sa isang lalaki at isang babae sa bayan ng Sta Barbara, Pangasinan.
Una rito, napaulat na pinagbabaril ng mga di pa tukoy na suspek ang mga biktimang sina Edna Raganzo tubong Nalsian, Manaoag at Efren Caramat mula naman sa lungsod ng Dagupan.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Major Jack Jacob, hepe ng Sta Barbara Pnp una umanong nagtungo ang dalawang nabanggit na biktima sa isang inn upang magcheck in ngunit agad ding lumabas ng malamang ‘fully booked’ o punuan at wala ng bakanteng kwarto.
Akma na aniyang aalis ang dalawa ng bigla na lamang dumaan ang isang lalaking lulan ng motorsiklo at pinagbabaril ang mga biktima.
Bagama’t blanko pa sa motibo ng pamamaslang ang kapulisan, inamin ng hepe na posibleng plinano na ng di pa tukoy na suspek ang nabanggit na krimen. Napag alaman kasi mula sa mga kamag anak ng mga biktima na mayroon ng mga sumusunod at nagmaman-man sa kanila bago pa mangyari ang insidente.
Sa ngayon patuloy ang isinasagawang follow up investigation ng mga otoridad upang malaman ang pagkakakilanlan ng suspek.