Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pasasampa ng kasong kriminal laban sa mga indibidwal na sangkot sa hoarding o labis na pag-iimbak ng langis at profiteering o sobrang pagpapataw ng presyo.

Ito ay sa gitna ng nakaambang krisis sa suplay dulot ng nagpapatuloy na tensiyon sa Gitnang Silangan at kasalukuyang nasa ilalim ng state of national energy emergency ang bansa.

Sa inilabas na datos ng pambansang pulisya, lumalabas na limang kaso ng hoarding at profiteering sa mga probinsiya ng Eastern Samar, Albay, Masbate at Davao del Sur matapos i-tap ang pulisya para asistihan ang Department of Energy (DOE) para sa pagkakasa ng crackdown sa naturang mga iligal na aktibidad.

--Ads--

Nauna nang hinigpitan ng DOE kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG), mga lokal na pamahalaan at PNP ang inspeksiyon sa mga gasolinahan para mapigilan ang hoarding, profiteering o pag-manipula sa suplay ng langis.

Sa ilalim kasi ng Price Act of 1992, pinapatawan ng parusa ang hoarding at profiteering sa basic necessities at prime commodities kalakip ang pagkakakulong, na pumapalo ng isa hanggang labing-isang taon at multa mula P5,000 hanggang P2 milyon, depende sa nature ng pagkakasala.