DAGUPAN CITY- Patuloy ang koordinasyon ng San Fabian PNP sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga turista ngayong Semana Santa.
Layon ng kanilang pagtutulungan na tiyaking ligtas ang mga beachgoers laban sa mga aksidente tulad ng pagkalunod.
Ayon kay PLt. Jonathan Castillo, Duty Officer ng San Fabian PNP, kilala ang San Fabian sa malilinis at magagandang dalampasigan kaya’t inaasahan ang pagdami ng bisita ngayong Mahal na Araw.
Kabilang sa mga hakbang na ginagawa ay ang mahigpit na pagpapatupad ng safety protocols, pagtatalaga ng mga lifeguard at emergency responders, at pagbibigay ng mga paalala at babala sa mga bisita.
Nagpaalala ang MDRRMO na iwasan ang paglangoy sa malalalim na bahagi ng dagat at siguraduhing magsuot ng life vest kung kinakailangan.
Katuwang ang PNP San Fabian sa pagbabantay at pagpapatupad ng mga alituntunin para sa maayos, ligtas, at payapang pagdiriwang ng Semana Santa sa bayang ito.