Nagsasagawa na ngayon ng profiling o ‘background info’ ang Pangasinan Police Provincial Office (PPO) laban sa apat na Chinese nationals na nahulian ng P124 milyong halaga ng shabu sa lungsod ng Urdaneta kamakailan lamang.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PPO Director Police Colonel Wilson Lopez sinabi nito na tuloy tuloy pa rin ang pagkilos ng kapulisan upang tuluyan ng matunton ang ugat o lokasyon ng shabu o droga na idinaan pa umano dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Aniya, magpapatuloy ang kanilang operasyon dito lalo na’t hindi umano biro ang halaga na nakuha sa mga dayuhang suspek. Sisilipin din ng mga otoridad kung may mga pilipinong nagamit bilang ‘point man’ o ‘middle man’ sa naturang ilegal na gawain.

--Ads--

Batay naman sa pinakahuling impormasyon na nakalap ng kapulisan, kanila umanong nadiskobre na una ng nag-operate ang mga nahuling Chinese Nationals sa lungsod ng Baguio na umabot pa hanggang sa Ilocos Norte.

Samantala, tiniyak naman ni Lopez sa publiko na walang pagawaan ng droga dito sa lalawigan ng Pangasinan. Aniya, naging daan lamang ang probinsya upang maisagawa ng mga dayuhang suspek ang kanilang iligal na gawain.

Kung matatandaan, apat na Chinese nationals ang naaresto sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang subdivision sa lungsod ng Urdaneta. Nasamsam sa mga suspek na sina Lu Jun, Zuo Sheng Li, Li Yu, at Ye Ling ang nasa P124 milyong halaga ng shabu.