DAGUPAN CITY- Mayroong itinalagang team ang PNP Pangasinan sa kanilang opisina upang tutukan ang pagsugpo ng fake news bilang hakbang upang mapalawak ang kanilang programa laban sa mga nasabing isyu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCol. Rollyfer Capoquian, Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO), inilahad niyang may isinasagawang hakbang ang kanilang tanggapan upang matugunan ang lumalalang problema sa fake news na nagdudulot ng takot, hindi pagkakaunawaan, at maling haka-haka lalo na ngayong papalapit na ang eleksyon.
Aniya, pinag-aaralan na kung paano mapipigilan ang pagkalat ng pekeng balita, at maghahain sila ng mga konkretong solusyon gaya ng agarang paglalabas ng opisyal na pahayag upang malinawan ang publiko sa tunay na pangyayari.
Dagdag pa niya, malaki ang epekto ng fake news sa mga mamamayan, kaya’t mahalagang pagtuunan ito ng pansin.
Malaki aniya ang papel ng social media, hindi lang sa pagpapakalat kundi pati na rin sa pagsugpo ng maling impormasyon.