Nagbigay ng katiyakan ang Philippine National Police (PNP) na paiigtingin ang seguridad sa buong bansa kasabay ng pagdiriwang ng Eid al-Fitr ngayong Sabado, Marso 21.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., magde-deploy ng mga pulis sa mga mosque, lugar ng panalangin, at komunidad ng mga Muslim upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Sinabi ng PNP na ang Eid al-Fitr ang hudyat ng pagtatapos ng Ramadan, ang banal na buwan ng pag-aayuno ng mga Muslim. Idineklara ang petsa matapos hindi makita ang buwan noong Marso 20.

--Ads--

Nasa humigit-kumulang 55,000 pulis na ang ipinakalat para tiyakin ang seguridad hindi lamang sa Eid al-Fitr kundi pati sa nalalapit na Holy Week at summer vacation.

May nakahanda ring traffic at crowd management plans ang PNP, lalo na sa paligid ng malalaking mosque, habang nakaantabay ang quick response teams at medical units para sa anumang insidente.

Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa mga lokal na pamahalaan at lider ng komunidad upang masiguro ang maayos at mapayapang pagdiriwang.

Nagpaabot naman ng pagbati ang PNP sa mga Muslim: “Eid Mubarak!”.