DAGUPAN CITY- Mas pinaigting ngayon ng Urbiztondo Municipal Police Station ang kanilang sistema ng pagresponde sa mga insidente sa pamamagitan ng pagpapatupad ng cluster deployment at aktibong 911 emergency hotline.
Ayon kay PCPT Michael Murao, Deputy COP ng Urbiztondo MPS, Bawat pulis ay naka-assign na ngayon sa kani-kaniyang cluster o itinakdang lugar sa bayan, upang mas mabilis na makarating sa mga lugar ng insidente kapag may tawag o ulat mula sa publiko.
Ayon sa tala ng istasyon, umaabot lamang ng humigit-kumulang limang minuto ang kanilang average response time mula sa oras ng pagtanggap ng tawag.
Bukod dito, aktibo na rin ang 911 emergency hotline ng istasyon.
Layunin nitong mas mapabilis ang komunikasyon sa pagitan ng publiko at ng kapulisan, lalo na sa mga emergency tulad ng aksidente, krimen, o kaguluhan sa lugar.
Bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng Urbiztondo PNP para sa mas episyente at maaasahang serbisyong pangseguridad.
Inaasahan din na mas lalakas ang tiwala ng mamamayan sa kapulisan sa pamamagitan ng mabilis na aksyon at agarang tugon sa mga pangangailangan ng komunidad.
Patuloy namang hinihikayat ng Urbiztondo PNP ang mga residente na gamitin ang tamang linya sa tamang oras, at makipagtulungan sa mga awtoridad para sa mas ligtas na pamayanan.