Mayroon nang person of interest ang Police Regional Office (PRO) 1 sa pagpatay sa radio commentator sa lalawigan ng Pangasinan sa pamamagitan ng closed-circuit television (CCTV) footage malapit sa crime scene.
Isang Special Investigation Task Group (SITG) ang binuo upang magsagawa ng imbestigasyon at mapadali ang pagresolba sa krimen.
Nangako si PRO-1 Director, Brig. Gen. Rodolfo Azurin Jr. na gagawin lahat ng kapulisan upang matukoy at mahuli ang mga salarin.
May panawagan din ito sa media na maging vigilante at sa mga nakasaksi na boluntaryo ng magbigay ng mga nalalamang impormasyon para sa ikadarakip ng mga suspek.
Nagpaabot din si Azurin ng kanyang pakikiramay sa pamilya ng biktima.
Matatandaan na pinagbabaril ang biktima na si Virgilio Maganes, 62 anyos at residente ng Brgy San Blas sa bayan ng Villasis sa harapan ng kaniyang tahanan.
Anim na tama ng bala ng baril ang ang tinamo nito sa bahagi ng kaniyang ulo at iba pang parte ng kaniyang katawan na tuluyan tumapos sa kanyang buhay.