DAGUPAN CITY- Patuloy na tinututukan ng PNP Mangatarem ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bayan, kung saan ang pinakakaraniwang insidente ay may kinalaman sa mga sasakyan.
Ayon sa tala, mas mataas ang bilang ng mga insidenteng may kaugnayan sa sasakyan noong nakaraang taon kumpara sa kasalukuyan, at inaasahang patuloy pa itong babantayan hanggang matapos ang taon.
Ayon kay PLt. Enrico Gomapos, Duty Officer PNP Mangatarem, ipinatupad ng kapulisan ang iba’t ibang programa kabilang ang information drives at pagbisita sa mga barangay upang kausapin at tipunin ang mga opisyal at residente tungkol sa kahalagahan ng kooperasyon sa pagpapanatili ng peace and order.
Gayunman, hamon para sa kapulisan ang lawak ng sakop na (walumpu’t dalawang) 82 barangay, dahilan upang mas palalakasin ang koordinasyon sa pagitan ng mga barangay at Police Station, lalo na sa agarang pagresponde sa mga insidente.
Binibigyang-diin din ng kapulisan na mahalaga ang presensya ng pulis at barangay patrol upang mapataas ang tiwala ng publiko.
Sa pamamagitan ng regular na pulong at ugnayan hindi lamang sa mga opisyal ng barangay kundi maging sa komunidad, mas napapalakas ang pagbabantay at pag-iwas sa krimen.
Bagama’t may naitatala pa ring ilang kaso na may kaugnayan sa ilegal na droga, nananatili itong minimal sa kasalukuyan batay sa pinakahuling pag-aaral. Patuloy ang pagsisikap ng kapulisan upang mapanatiling mababa ang ganitong uri ng insidente.
Ayon kay Gomapos, mahalaga ang mas maigting na koordinasyon ng lahat ng barangay at ng himpilan ng pulisya upang epektibong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Sa kasalukuyan, tinatayang 56 lamang ang bilang ng mga pulis na nagsisilbi sa 82 barangay, na may malaking populasyon na kanilang binabantayan.
Umaasa ang PNP Mangatarem na magiging mapayapa ang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa bayan at naiiwasan ang mga ipinagbabawal na gawain sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan ng kapulisan, mga opisyal ng barangay, at ng buong komunidad.










