Patuloy na pinagtitibay ng PNP Mangatarem ang kanilang mga programa upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan, ayon sa Duty Officer na si PLt. Enrico Gomapos.

Binigyang-diin ng kapulisan na mahalagang bahagi ng epektibong pagpapatupad ng batas ang maayos na ugnayan at koordinasyon ng bawat barangay at ng pulisya.

Ayon sa PNP Mangatarem, hindi magiging ganap na mapayapa ang isang lugar kung kulang ang pag-uulat ng kahit maliliit na insidente, dahil nawawalan ng saysay ang patuloy na pagroronda kung walang sapat na impormasyon mula sa komunidad.

--Ads--

Kabilang sa mga programang ipinagpapatuloy ng himpilan ang regular na pagbisita sa mga barangay, kung saan nagsasagawa ng information drive para sa mga barangay officials at residente.

Layunin nitong palawakin ang kaalaman ng komunidad hinggil sa tama at maling gawain at palakasin ang partisipasyon ng mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan.

Batay sa datos ng PNP Mangatarem, vehicular incidents ang nananatiling pangunahing uri ng insidente sa lugar.

Kadalasan, ang mga sangkot dito ay mga menor de edad na walang lisensiya sa pagmamaneho.

Dahil dito, mahigpit na ipinatutupad ang mga hakbang laban sa pagmamaneho ng mga hindi awtorisado.

Sa mga pagkakataong may nasasangkot na menor de edad sa mga paglabag sa trapiko, agad na pinapara at pinapatawag ang kanilang mga magulang upang ipaalam ang nangyari at maiwasan ang pag-uulit ng insidente.

Ito ay bahagi ng layunin ng pulisya na hindi lamang magpatupad ng batas kundi magbigay rin ng paalala at gabay sa mga pamilya.

Bukod dito, nagsasagawa rin ng nakaiskedyul na checkpoints ang PNP Mangatarem alinsunod sa direktiba ng Pangasinan Police Provincial Office.

Sa mga operasyong ito, isinasagawa ang inspeksiyon ng mga sasakyan at plansita upang masugpo ang posibleng krimen at mabawasan ang mga paglabag sa batas-trapiko.

Ayon sa pulisya, ang presensya ng checkpoint ay nagsisilbing panangga laban sa mga planong kriminal at nakatutulong upang maiwasan ang mga insidente bago pa man mangyari.

Patuloy namang hinihikayat ng PNP Mangatarem ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng mga kahina-hinalang gawain at pagsunod sa mga batas-trapiko.

Sa tulong ng sama-samang pagkilos ng komunidad at ng pulisya, inaasahang mapananatili ang kapayapaan at kaligtasan sa bayan ng Mangatarem at sa buong Pangasinan.