DAGUPAN CITY- ‎Pinangunahan ng Mangaldan Municipal Police Station ang isang malawakang talakayan ukol sa cybercrime, cyberbullying, at bomb threat awareness sa mga estudyante sa bayan ng Mangaldan.

Ang lecture ay para itaas ang kaalaman ng kabataan tungkol sa tamang asal sa internet, epekto ng pananakot online, at ang mga batas na nilalabag ng mga gawaing ito.

‎Sa pangunguna ni PLt.Col. Perlito Tuayon, Chief of Police, Mangaldan PNP, ipinaliwanag ng mga awtoridad ang responsableng paggamit ng teknolohiya at ang kahalagahan ng pagiging mapanuri sa mga impormasyong ikinakalat online.

Tinalakay rin ang mga dapat gawin kung sakaling makaranas ng Bomb threat sa paaralan, upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.

Kasunod ng nasabing lektura, ayon kay Tuayon, dalawang insidente ng bomb threat ang naitala sa bayan kung saan una sa isang pribadong eskwelahan at ikalawa sa isang pampublikong paaralan.

--Ads--

Sa isa sa mga kaso, natukoy na isang menor de edad na estudyante rin ng nasabing paaralan ang napag alamang nasa likod ng bomb threat.

Agad namang natukoy ng pulisya at kinausap ang menor de edad kasama ang kanyang magulang.

Paalala ng pulisya, ang sinumang mapatutunayang sangkot sa ganitong uri ng pananakot ay maaaring maharap sa kasong alarm and scandal batay sa Presidential Decree 1727.

‎Samantala, Sa harap ng mga banta, patuloy ang panawagan ng kapulisan para sa mas matibay na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng paaralan, magulang, at mga kabataan upang mapanatiling ligtas ang bayan laban sa mga uri ng krimen online.