DAGUPAN CITY- Ilang araw bago ang paggunita ng Undas, puspusan na ang paghahanda ng PNP Mangaldan para tiyaking maayos at ligtas ang pagbisita ng publiko sa mga sementeryo at simbahan.

Ayon kay PLt. Col. Perlito Tuayon, Officer in Charge ng Mangaldan PNP, sa isang koordinasyong pagpupulong, nakipag-ugnayan ang kapulisan sa lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya upang plantsahin ang magiging daloy ng trapiko sa mga rutang patungo sa mga pampubliko at pribadong sementeryo.

Target ng mga awtoridad na maiwasan ang mabigat na trapik at masiguro ang mabilis na pagpasok at paglabas ng mga motorista.

Tatlong malalaking sementeryo sa bayan ang mahigpit na babantayan, kabilang ang mga pribadong libingan na direktang konektado sa mga pangunahing kalsada.

Magkakaroon ng karagdagang tauhan sa paligid ng mga terminal at simbahan dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga deboto at pamilya.

Mahigpit ding ipatutupad ng PNP ang pagbabawal sa pagdadala ng alak, matutulis na bagay, at anumang gamit na maaaring magdulot ng kaguluhan sa loob ng mga sementeryo.

--Ads--

Nakaalerto rin ang mga mobile patrol at monitoring team para agad makaresponde sa anumang insidente.

Bukod sa seguridad, nakahanda rin ang mga medical team at rescue units para tumugon sakaling magkaroon ng ano mang uri ng insidente.

Paalala ng mga awtoridad sa mga bibisita magbaon ng disiplina, sumunod sa mga alituntunin, at maging maingat sa matinding init o biglaang pag-ulan habang bumibisita sa sementeryo.