Dagupan City – ‎Mas pinaigting ng pulisya sa Mangaldan, ang pagbabantay sa lahat ng simbahang sakop ng bayan kasabay ng pagsisimula ng Simbang Gabi kanina, kasunod ng inaasahang dagsa ng mga deboto.

‎Batay sa pagtataya ng pulisya, mas maraming magsisimba ngayong taon kaya’t ipatutupad ang pansamantalang pagsasara ng bahagi ng Rizal Street upang magbigay-daan sa ligtas at maayos na pagpasok ng mga nagsisimba, lalo na sa oras ng misa de Gallo.

‎Ayon kay Police Lieutenant Colonel Tuayon, nakahanda na ang kanilang hanay upang matiyak ang presensya ng mga pulis sa paligid ng mga simbahan at sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng tao.

Kasabay nito, may inilatag na rerouting plan ang lokal na pamahalaan sa tulong ng Public Order and Safety Office ng Mangaldan para gabayan ang mga motorista at maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.

‎Bukod sa daloy ng sasakyan, tutok din ang pulisya sa posibleng insidente ng pagnanakaw at iba pang krimen na karaniwang nangyayari sa matataong lugar.

Pinaalalahanan ang publiko na maging mapagmatyag sa kanilang mga gamit habang nakikiisa sa mga gawain sa simbahan.
‎‎
‎Kanina, opisyal na nagsimula ang unang gabi ng Simbang Gabi.

--Ads--

Marami ang maagang dumalo sa misa bilang bahagi ng tradisyong siyam na magkakasunod na gabi ng pagsisimba bago sumapit ang Pasko.