DAGUPAN CITY- Patuloy ang pagsulong ng mga kapulisan sa bayan ng Malasiqui sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bayan sa pamamagitan ng pinaigting na police visibility, regular na pagpapatrolya, pagtatayo ng mga checkpoint, at pagsasagawa ng mga operasyon laban sa mga lumalabag sa batas, kabilang ang pagkumpiska ng mga maingay at modified mufflers o wab-wab na nakaaabala sa komunidad.
Ayon kay PLtCol. Francisco A. Sawadan Jr., Hepe ng PNP Malasiqui,, mahalagang bahagi ng kanilang tungkulin ang tuloy-tuloy na pagmamanman sa galaw ng mga kriminal, pati na rin ang pagtukoy sa mga personalidad o grupong sangkot sa iba’t ibang uri ng krimen sa Malasiqui.
Binigyang-diin niya na ang mandato ng pulisya ay walang pagbabago—ang tiyakin ang kaayusan at seguridad ng bawat barangay—at ang kanilang mga hakbang ay nakabatay sa kasalukuyang sitwasyon ng kriminalidad at sa mga kaganapan sa paligid.
Dagdag pa niya, nakatuon ang deployment plan ng PNP Malasiqui sa masusing pagbabantay, maagap na imbestigasyon sa mga insidente, at mas pinahusay na intelligence monitoring upang matukoy kung sino ang mga gumagawa ng krimen, ano ang kanilang mga pamamaraan, at kung anu-ano ang kanilang mga target.
Kabilang sa mga binabantayang lugar ang mga bangko, convenience store, gasolinahan, at iba pang establisyemento na posibleng puntiryahin ng mga holdaper at magnanakaw.
Binigyang-diin din ni Sawadan ang mahalagang papel ng komunidad sa pagpapanatili ng kaayusan.
Hinikayat niya ang mamamayan na makiisa sa kapulisan sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag sa kanilang paligid at agarang pag-uulat ng mga kahina-hinalang pangyayari o presensya ng mga hindi inaasahang indibidwal o grupo.
Binanggit niya na kahit ang mga simpleng palatandaan, gaya ng biglaang pag-ingay ng mga aso sa gabi, ay maaaring magsilbing indikasyon ng kahina-hinalang aktibidad na dapat bantayan.
Ayon pa sa hepe ng pulisya, mas nagiging epektibo ang trabaho ng kapulisan kapag aktibong nakikilahok ang publiko, kabilang ang paggamit ng video call o agarang pakikipag-ugnayan sa pulisya upang makapagbigay ng impormasyon at agarang makaresponde ang mga awtoridad.
Sa kabila ng lawak ng Malasiqui na binubuo ng 73 barangay, inamin ni Sawadan na hindi posible ang araw-araw na pag-ikot sa lahat ng lugar.
Gayunman, binibigyang-priyoridad ng PNP ang mga mataong lugar at sentrong pangkabuhayan, lalo na sa poblacion, upang matiyak ang seguridad ng mga residente at negosyante.
Sa tulong ng sama-samang pagkilos ng pulisya at komunidad, layunin ng PNP Malasiqui na mapanatili ang isang ligtas at mapayapang kapaligiran para sa lahat.










