Mas pinaigting ng Philippine National Police sa bayan ng Lingayen ang pagpapatupad ng traffic management at road clearing operations lalo na tuwing Sabado at Linggo dahil sa pagdagsa ng mga mamimili mula sa iba’t ibang karatig-bayan.
Ayon kay PLtCol. Junmar C. Gonzales, Chief of Police ng PNP Lingayen, dumarami ang mga bumibisita at namimili sa bayan mula sa Binmaley, Labrador, Sual at iba pang kalapit na lugar, dahilan upang palakasin ang presensya ng pulisya sa mga pangunahing lansangan at pamilihan.
Ipinatutupad ang rerouting scheme tuwing umaga mula alas-6 hanggang alas-9, partikular sa bahagi ng Bahay Singit, upang mapaluwag ang daloy ng trapiko.
Isinasagawa rin ang tuloy-tuloy na road clearing operations upang alisin ang mga sagabal sa kalsada at mapadali ang pagbiyahe ng mga motorista at mamimili.
Sa hapon naman, mula alas-4 hanggang alas-8 ng gabi, naglalagay ng karagdagang mga tauhan sa matataong lugar bilang bahagi ng rush hour operations upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko at mapanatili ang kaayusan.
Bukod dito, nagpapatuloy ang kampanya laban sa krimen sa pamamagitan ng pag-iikot ng mga pulis na may dalang megaphone sa mga lugar gaya ng palengke.
Pinapaalalahanan ang mga mamimili at vendor na maging mapagmatyag laban sa mga magnanakaw at iba pang posibleng insidente.
Sa kasalukuyan, nananatiling maayos ang sitwasyon at positibo ang naging resulta ng mga ipinatutupad na hakbang ng pulisya sa bayan.










