DAGUPAN CITY- Pinaigting ng Lingayen Police Station ang mga hakbang sa seguridad at kaayusan ng bayan kasabay ng mga aktibidad ngayong pagpasok ang Bagong Taon.
Ayon kay PLtCol. Junmar C. Gonzales, Chief of Police ng PNP Lingayen, sinimulan na noong December 22 ang isang programa laban sa mga ilegal at sobrang maiingay na muffler o mapler bilang tugon sa reklamo ng publiko at upang mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan.
Ibinahagi rin ni Gonzales na isinailalim sa sektorisasyon ang mga tauhan ng pulisya, katuwang ang mga augmented personnel mula sa iba’t ibang bayan sa Ikalawang Distrito.
Malaking tulong umano ito upang mas mapalawak ang saklaw ng pagbabantay at mas mabilis na makaresponde sa mga insidente.
Nagpasalamat din siya sa suporta ng Lingayen Police Station at sa direktiba ng Provincial Director na si Police Colonel Arbel Mercullo sa paglalaan ng karagdagang puwersa.
Dagdag pa ni Gonzales, binago rin ang dating patrol deployment sa ilalim ng Patrol 101 kung saan inalis ang ilang umiiral na pwesto at sa halip ay dinagdagan ang presensya sa mga itinuturing na prone areas.
Kasabay nito, ipinatupad din ang Oplan Bandilyo sa loob ng pamilihan ng Lingayen.
Sa pamamagitan ng megaphones na ginagamit ng mga pulis, patuloy na pinaaalalahanan ang mga mamimili at nagtitinda kaugnay ng kaligtasan, lalo na ngayong masikip ang lugar bagamat hindi umano mabigat ang daloy ng trapiko kahit marami ang sasakyan.
Ayon kay Gonzales, karamihan sa mga mamimimili ay nagmumula pa sa mga karatig-lugar gaya ng Bugallon, Aguilar, Labrador, Sual at Binmaley.
Binigyang-diin din ni Gonzales na tuloy-tuloy ang mobile patrol at random inspection upang matukoy at masawata ang bentahan ng ilegal na paputok.
Sa pakikipag-ugnayan ng PNP sa Bureau of Fire Protection, may mga fire truck na naka-standby at mga tauhang nakaantabay upang agad rumesponde sakaling may emergency.
Sa aspeto ng kalusugan at rescue, patuloy rin ang koordinasyon ng PNP sa Lingayen District Hospital at sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office na may 24-oras na duty at mga ambulansiyang naka-standby.
Ayon kay Gonzales, may naitalang insidente kahapon na kinasangkutan ng isang menor de edad na may kaugnayan sa paputok, ngunit aniya, galos lamang ang natamo ng menor de edad, subalit nasa maayos at stable na ang kalagayan ng bata.
Bilang paalala sa publiko, hinimok ni Gonzales ang mga residente na mag-ingat sa paggamit ng paputok, upang maiwasan ang aksidente at pinsala.
Patuloy umano ang pagbabantay ng PNP Lingayen upang matiyak ang ligtas, maayos at mapayapang pagdiriwang ng Bagong Taon sa bayan.










