Dagupan City – Mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) Lingayen ang mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko ngayong nalalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay PLtCol Junmar C. Gonzales, Chief of Police ng PNP Lingayen, nagsimula na noong Lunes ang pamamahagi ng mga information flyers na naglalaman ng paalala hinggil sa ligtas na selebrasyon, partikular para sa mga bata at sa mga hindi pinapayagang bumili at gumamit ng paputok.
Bahagi rin ng paghahanda ng PNP Lingayen ang pagdedepoy ng kanilang mga tauhan sa mga ospital sa darating na Disyembre 31 upang tumulong sa mga nurse at doktor sakaling may mangyaring insidente na may kaugnayan sa paputok.
Kasabay nito, ipinatutupad ang mga umiiral na batas laban sa ilegal na pyrotechnic devices sa pamamagitan ng masusing inspeksyon katuwang ang Regional Civil Security Unit o RCSU.
Nauna nang nagsagawa ng inspeksyon ang kapulisan at patuloy na hinihintay ang pagsasagawa ng biglaan at random na operasyon upang matukoy kung may mga indibidwal na nagbebenta ng ilegal na paputok.
Tiniyak ng PNP Lingayen na mahaharap sa kaukulang kaso ang sinumang lalabag sa batas.
Nanawagan din ang kapulisan sa buong komunidad ng Lingayen na makipagtulungan at huwag mag-atubiling mag-ulat sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o tumawag sa kanila sakaling may mapansing kahina-hinalang aktibidad.
Layunin ng panawagang ito na masiguro ang isang mapayapa at ligtas na pagdiriwang ng Bagong Taon, lalo na’t inaasahang magiging mahaba ang bakasyon at maaaring maiwang walang tao ang ilang mga tahanan.
Patuloy ring naglalabas ng mga paalala ang PNP Lingayen sa kanilang opisyal na Facebook page, kabilang ang mga tips laban sa akyat-bahay at iba pang krimen.
Dagdag pa rito, mahigpit ang pagbabantay ng kapulisan sa pamilihang bayan, kung saan may nakatalagang police visibility tuwing araw ng palengke, na nakatutulong upang mapanatili ang zero incident sa lugar.
Samantala, binigyang-diin ng PNP Lingayen na tanging ang mga vendor na may kumpletong permit lamang ang pinapayagang magbenta ng mga paputok, bilang bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang kaligtasan ng publiko ngayong holiday season.







