Pinaigting ng Labrador Municipal Police Station ang paghahanda at pagbabantay sa mga komunidad habang patuloy na nakararanas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng Labrador, Pangasinan.
Ayon kay PLt. Marie Grace E. Lucendo, Deputy Chief of Police ng PNP Labrador, patuloy na nagpapaalala ang pulisya sa mga residente na maging alerto at maghanda ng sapat na pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sakaling magkaroon ng emergency, partikular sa mga mabababang lugar na madaling bahain.
Kabilang sa tinututukan ng pulisya ang mga barangay na nasa low-lying areas, kung saan inaatasan ang mga lokal na opisyal at residente na bantayan ang pagtaas ng tubig at magsagawa ng agarang paglikas kung magiging delikado na ang kanilang lugar.
Binabantayan din ang Barangay Bungalon na maaaring makaranas ng pagtaas ng tubig kapag nagsabay ang tuloy-tuloy na pag-ulan at high tide. Sa kabila nito, naging passable na ang mga kalsada sa lugar matapos huminto ang pag-ulan.
Kasabay ng paghahanda sa pagbaha, pinaigting din ng pulisya ang pagbabantay laban sa insidente ng pagnanakaw, lalo na sa mga lugar na maaaring maiwang walang tao dahil sa paglikas o pag-alis ng mga residente.
Pinapayuhan ang publiko na pangalagaan ang kanilang mga ari-arian at iwasang mag-post sa social media ng impormasyon na nagpapakitang walang tao sa kanilang bahay upang hindi maging target ng mga magnanakaw.
Nagsasagawa rin ang pulisya ng house-to-house reminders at information activities sa mga paaralan upang paalalahanan ang mga residente, kabilang ang mga kabataan at estudyante, na manatiling mapagmatyag at agad humingi ng tulong kapag may kahina-hinalang insidente o sitwasyong nagbabanta sa kanilang kaligtasan.
Tiniyak naman ng PNP Labrador at Lokal na Pamahalaan na nakahanda ang mga ito na tumugon sa mga emergency, kabilang ang pagbaha, at hinikayat ang mga residente na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan at peace and order sa komunidad.










