Dagupan City – Iniimbestigahan ng pulisya ang insidente ng umano’y panloloob sa isang pampublikong elementary school sa bayan ng Basista, Pangasinan.
Nadiskubre ang insidente pasado alas-sais ng umaga matapos mapansin ng isang guro at ng security guard ng paaralan ang palatandaan ng pagpasok ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng paaralan sa Barangay Dumpay.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na dumaan ang mga suspek sa bintana sa likurang bahagi ng isa sa mga silid sa paaralan na pinaniniwalaang ginamit nilang daanan sa pagpasok at paglabas ng gusali.
Ilang mahahalagang kagamitan mula sa paaralan ang naiulat na nawawala na may tinatayang kabuuang halaga na umaabot sa halos ₱30,000.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga responsable sa insidente at mabawi ang mga tinangay na gamit.










