Patuloy na inaalam kung may kasabwat o kilala pang ibang pulis ang nagsasagawa ng pangongotong sa mga motoristang walang vaccination cards, kaugnay ng nahuling tiwaling pulis sa bayan ng Bayambang dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay PLt. Mary Jean Cueves, Spokesperson ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), ito umano ang kauna-unahang nahuling tiwaling pulis sa lalawigan ng Pangasinan na may ganitong uri ng modus, ngayong taon.

Nabatid na karamihan din umano ang mga nakotongan nito simula pa noong nakaraang buwan.

--Ads--

Aniya, mula pa buwan ng Nobyembre sa kasalukuyang taon ay may ilang report o reklamo na umano silang natatanggap laban sa police scalawag na si PCpl. Daniel Penuliar, na siyang nagpapayad ng P500 sa kada motoristang bigong makapag presenta ng vaccination cards sa tangkang pagpasok ng probinsya.

Matatandaang nakuha sa suspek ang PNP identification card, service firearm, handheld radio at P500 na ibinigay ng police poseur motorist.

Kasalukuyang nasa kustodiya si Penuliar ng IMEG Luzon Field Unit, Headquarters sa Clark Airbase, Angeles City, Pampanga para sa pagsasampa ng reklamo.

PLt. Mary Jean Cueves, Spokesperson ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG)

Ito pa lamang ang kauna unahang kaso ng pangingikil na naitala sa kanilang bayan sa taong ito.

Samantala, inihayag naman ng Bayambang Police Station ang kanilang pagkabigla sa pagkakasangkot ng kanilang kabaro sa nabanggit na pangingikil.

Ayon kay PSSgt. Alvin Doloque, Duty Investigator ng Bayambang Police Station, ito ay kinukundina ng kanilang hepe at sa katunayan ay araw-araw umano silang nakakatanggap ng mga tagubilin na huwag hahayaan ang sariling masangkot sa ganitong uri ng kahihiyan dahil tiyak na sila ay pananagutin din ng batas.

PSSgt. Alvin Doloque, Duty Investigator Bayambang PNP