DAGUPAN CITY- Ipinagdiwang ng Pangasinan Police Provincial Office ang PNP Ethics Day bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng organisasyon na paigtingin ang pagkilala, pagpapahalaga, at pagsasabuhay ng etikal na pamantayan sa hanay ng kapulisan.
Sa okasyon, muling binigyang-diin ang kahalagahan ng PNP Code of Professional Conduct and Ethical Standards bilang gabay ng bawat pulis sa tamang pagganap ng tungkulin, propesyonalismo, at integridad sa paglilingkod sa mamamayan.
Layunin ng pagdiriwang na palakasin ang disiplina at moralidad ng mga tauhan ng PNP sa araw-araw na operasyon.
Kasabay ng selebrasyon, isinagawa rin ang awarding of medals sa mga PNP personnel na nagpakita ng mabubuting gawa at huwarang serbisyo.
Ang pagkilalang ito ay bilang pasasalamat at inspirasyon sa iba pang kawani na patuloy na magsilbi nang may katapatan at malasakit sa publiko.
Patuloy ang Pangasinan PPO sa pagtataguyod ng mataas na pamantayan ng etika at propesyonalismo bilang pundasyon ng isang maaasahan at mapagkakatiwalaang kapulisan.








