DAGUPAN CITY- Nakapagtala ang Lungsod ng Dagupan ng pinakamataas na heat index sa taon na umabot sa 47°C.
Ayon sa DOST PAGASA, ito ang pinaka-mataas na antas ng init na nararanasan sa bansa mula nang magsimula ang pagtaas ng heat index.
Sa kabila ng matinding init, sinabi ni Pltcol Brendon Palisoc, hepe ng PNP Dagupan, na walang pagbabago o adjustment sa deployment ng kanilang mga tauhan.
Dahil dito, patuloy pa rin ang kanilang mga operasyon at serbisyo sa publiko, lalo na sa pagtugon sa mga emergency at iba pang mga pangangailangan ng komunidad.
Ipinahayag naman ng opisyal na ang mga kapulisan ay patuloy na nagsisilbi sa mga mamamayan at tinitiyak na magiging handa ang kanilang pwersa sa lahat ng oras.
Gayunpaman, binigyan-diin niya ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa kalusugan ng mga kasamahan sa trabaho, kaya’t pinapaalalahanan ang mga ito na laging mag-ingat at magpahinga kung kinakailangan.
Samantala, patuloy pa rin na pinapalakas ng PNP Dagupan ang kanilang mga hakbang upang matugunan ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kaayusan sa kabila ng matinding init ng panahon.