Naalarma ang Philippine National Police (PNP) Dagupan City sa patuloy na paggamit sa mga menor de edad bilang courier o drug mule ng ilegal na droga, matapos mahuli ang isang menor de edad sa kanyang pangangalaga ng P1.25 milyong halaga ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Lawrence Keith Calub, hepe ng Dagupan City Police Station, ang 15 anyos na suspect ay nahuli sa Brgy. Tambac matapos ang ikinasang buy bust operation ng kapulisan katuwang ang PDEA.
Aniya, tila ginagamit ang menor de edad bilang courier ng mga drug pusher at sinasamantala ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act upang makaiwas sa mas mabigat na parusa.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang tukuyin kung may sindikatong sangkot sa paggamit sa mga menor de edad sa kalakalan ng droga sa lungsod.
Matatandaan na sa halos sa unang buwan pa lamang ng panunungkulan ni Calub bilang Chief of Police, siyam na operasyon na ang ikinasa laban sa ilegal na droga at nagresulta sa 10 katao na naaresto kabilang ang 2 menor de edad.
Dagdag pa ng hepe ng Dagupan CPS, ipinatutupad nila ang dalawang pangunahing estratehiya upang labanan ang problema sa droga — ang supply reduction at demand reduction.
Ang supply reduction ay nakatuon sa mga operasyon laban sa mga tulak at supplier ng droga upang mapigilan ang pagkalat nito sa komunidad.
Samantala, ang demand reduction ay nakatuon sa pagbibigay ng edukasyon sa mga kabataan sa pamamagitan ng mga forum, dayalogo sa mga paaralan at barangay upang maiwasan ang pagkalulong sa ilegal na droga.