Dagupan City – Nagpatupad ng pinaigting na traffic management measures ang Philippine National Police sa bayan ng Binmaley bilang tugon sa mga naitalang pagsisikip ng daloy ng sasakyan sa mga nakalipas na buwan.

Ayon kay PLtCol. Lister A. Saygo, Officer-in-Charge ng PNP Binmaley, nakikita ang unti-unting pagbuti ng sitwasyon sa trapiko dahil sa mas maayos na pagpapatupad ng mga estratehiya at aktibong presensya ng pulisya sa mga pangunahing lugar.

Kabilang sa mga hakbang na isinagawa ang mas sistematikong pagdidirekta ng galaw ng mga sasakyan, lalo na sa mga barangay ng Manat, at tulay kung saan madalas maranasan ang pagsisikip.

--Ads--

Binabantayan din ng mga pulis ang tamang babaan at sakayan ng mga bus at ang maayos na paggamit ng pedestrian lanes upang maiwasan ang sabayang pagharang sa daloy ng trapiko.

Isa sa mga pangunahing sanhi ng pagsisikip sa ilang lugar, partikular sa tulay, ay ang dami at pagkasira ng mga sasakyan na nagdudulot ng pansamantalang traffic sa kalsada.

Naglagay din ng mga tauhan sa mga lugar upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang insidente na maaaring magpalala ng trapiko.

Patuloy ang koordinasyon ng PNP Binmaley sa lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga motorista at pedestrian sa bayan.